Saturday, March 13, 2010

Desiderata in Tagalog (Kredo Sa Buhay)

Magtungo kang tahimik maging sa gitna ng ingay at pagmamadali at tandaan mong may kapayapaan sa alinmang katahimikan. Hanggat maaari bagamat hindi ka sumusuko maging mabuti ka sa pakikitungo sa lahat ng tao. Sabihin mo ang natutunan nang tahimik at malinaw; at pakinggan mo ang kapwa, maging sila'y tanga o mangmang; pagkat sila man ay mayroon ding isasalaysay.

Iwasan mo ang mga taong maiingay at mapanlaban, sila ay nakasisira ng sigla ng iyong pag- iisip. Kapag inihambing mo ang iyong sarili sa iba, ikaw ay magiging palalo at matitikman mo ang kapaitan, pagkat may mapalad at kapuspalad kaysa sa iyong sarili.

Matuwa ka sa iyong mga tagumpay gayon din sa iyong balak. Masiyahan ka sa iyong tungkulin kahit ito'y mababa; Ito'y tunay na sa iyo sa nagbabagong kapalaran ng panahon. Maging maingat ka sa iyong pakikipagkalakalan, pagkat ang mundo ay puno ng paglilinlang. Ngunit huwag kang maging bulag kung ano ang kabutihan; Marami paring tao ang naghahangad ng banal na mithiin;
At saanmang pook ang buhay ay puno ng kabayanihan.

Maging tapat ka sa sarili at huwag paglaruan ang pagmamahal. At huwag ka ring magbalatkayo sa pag- ibig; Pagkat sa kabila ng walang sigla at kabiguan, mananatili pa rin ito tulad ng laging kasariwaan ng damo. At maluwag sa loob na isuko mo ang silakbo ng kabataan.

Maging matatag ang iyong isip nang maging kalasag sa kabiguan. Ngunit iwasang mabalisa ang sarili sa iyong mga guni- guni. Maraming takot ang bunga ng kapaguran at kalungkutan. Sa likod ng mabuting pagdisiplina, maging matapat sa sarili. Ikaw ay supling ng Sansinukob tulad ng mga puno't bituan. Ikaw ay may karapatang mabuhay sa mundong ito.

Maging malinaw man sa iyo o hindi, marami kang matutuklasan sa Sansinukob tulad ng inaasahan, Kayat mabuhay ka ng payapa, sangayon sa kalooban ng Panginoon. maging anuman ang iyong pagkakakilala sa Kanya at maging anuman ang iyong ginagawa at minimithi, Sa nakalilitong kaguluhang ito ng buhay. Panatilihin ang kapayapaan sa iyong kaluluwa. Sa kabila ng mga pagkukunwari, kabagutan at mga bigong pangarap. Maganda pa rin ang daigdig. Magpakaingat ka. Sikapin mong maging maligaya.

Anonymous


No comments:

Post a Comment